Dagupan City – Mariing kinokondena ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang deklarasyon ng digmaan matapos ang pag-atake ng China sa Pinoy ­fishers.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PAMALAKAYA Chairperson Fernando Hicap sinabi nito na naninindigan ang kanilang grupo sa panawagan para sa mapayapang resolusyon ng sigalot.

Gayunman, aniya, lubhang nakakabahala ang banta ng giyera lalo’t ang pangunahing apektado ay ang maliliit at maralitang mangingisda na napipilitang mangisda lamang sa limitadong mga palaisdaan para sa kanilang ikabubuhay.

--Ads--

Binigyang-diin ni Hicap na ang mga mangingisda ay likas na “survival” ang kalagayan, kaya’t labis ang pinsalang dulot ng presensya at pananakot ng malalaking barko ng mga dayuhang bansa, partikular ng China, sa mga lugar-pangisdaan ng Pilipinas.

Inalala rin niya na maging noong panahon ng dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa kabila ng sinasabing maayos na ugnayan nito sa China, ay hindi pa rin natigil ang pangha-harass sa mga mangingisdang Pilipino.

Dahil dito, iginiit ni Hicap na malinaw na paglabag sa Konstitusyon at sa soberanya ng bansa ang patuloy na agresyon ng China.

Kasabay nito, binatikos din ng PAMALAKAYA ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ayon sa kanila ay nabibigong maglatag ng malinaw at epektibong hakbang para isulong at ipagtanggol ang karapatan ng bansa at ng mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea.

Matatandaang noong Biyernes, Disyembre 12, binomba ng tubig ng mga sasakyang-dagat ng Chinese Coast Guard (CCG)—partikular ang vessels 21559 at 21562—kasama ang Chinese Maritime Militia (CMM), ang mga bangkang pangisda ng mga Pilipino sa bahagi ng Escoda Shoal.

Dahil sa insidente, tatlong mangingisda ang nasugatan at dalawang bangka ang nasira.

Ayon sa mga lider ng apat na makabayang civic organizations, ang naturang insidente ay hindi isang karaniwang pangha-harass kundi isang sadya at hayagang paglapastangan sa sambayanang Pilipino at tahasang hamon sa soberanya ng bansa.