DAGUPAN CITY- Iniulat ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Pangasinan ang pagbaba ng insidente ng sunog sa lalawigan sa taong 2025 kumpara sa 2024.
Ayon kay Fssupt. Marvin T. Carbonel, Provincial Fire Marshal ng BFP Pangasinan, ang datos na ito ay mula Enero hanggang Disyembre 5 ng bawat taon.
Sa kabuuan, 345 na sunog ang naitala ngayong 2025, mas mababa kumpara sa 413 na naitala noong 2024. Sa kategorya ng structural fire, bumaba ito mula 255 noong 2024 sa 241 ngayong taon.
Malaki rin ang ibinaba ng non-structural fires, mula 132 noong 2024 sa 74 ngayong 2025.
Gayunpaman, bahagyang tumaas ang bilang ng vehicular fires mula 26 noong 2024 sa 32 ngayong taon.
Base sa datos ng BFP, nananatili pa ring “open flame” at “overheated home appliances” ang pangunahing sanhi ng sunog sa Pangasinan.
Kaugnay nito, nagpaalala si Carbonel sa publiko na mag-ingat ngayong Kapaskuhan upang maiwasan ang sunog. Tiniyak din niya na handa ang kanilang hanay na tumugon sa anumang insidente ng sunog sa lalawigan.










