DAGUPAN CITY- Dumagsa ang napakaraming Pangasinense at bisitang mula sa iba’t ibang bayan upang saksihan ang makulay at masayang pagsisimula ng Kapaskuhan sa taunang Capitol Lighting na may temang “Paskong Ang Galing, Pangasinan Nagniningning.”

Pinangunahan ng Gobernador ng Pangasinan kasama ang First Family ang pagpasindi ng mga ilaw sa paligid ng Capitol Complex, kasama rin ang Bise Gobernador at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan na nagbigay ng buong suporta sa selebrasyon.

Tampok ngayong taon ang pagpapakilala sa mga mahahalagang tagumpay ng lalawigan, kabilang ang pagpapatupad ng Green Canopy Project na layong palawakin ang green spaces sa Pangasinan, ang pagtatatag ng Salt Center bilang sentro ng inobasyon at muling pagsigla ng industriya ng asin, pinalakas na social services para sa mga mamamayan, at ang patuloy na redevelopment ng Capitol Complex na nagdudulot ng mas modernong serbisyong pampubliko.

--Ads--

Isa sa mga pinakakaabangang bahagi ng programa ang presentasyon ng 48 makukulay na parol mula sa bawat lungsod at munisipalidad ng Pangasinan.

Kasunod nito ay ang makasiyang “offering of gifts” kung saan ang bawat LGU ay naghandog ng simbolikong regalo kay Sto. Niño bilang pagtanaw ng pasasalamat at paghingi ng patnubay sa nalalabing buwan ng taon.

Ipinagdiwang din ang pagkamalikhain ng mga lokal na pamahalaan sa Patrol Making Competition na nilahukan ng 18 LGUs.

Ibinahagi ni First Lady Maan Tuazon-Guico ang mga pagsubok na hinarap ng lalawigan matapos ang malakas na habagat at storm surge na nagdulot ng matinding pinsala sa Capitol area.

Inalala niya ang unang pagbisita sa lugar na puno pa ng putik at debris ngunit binigyang-pugay ang mga tanggapan tulad ng GSO, Engineering, Tourism, Events, at ang creative team sa mabilis na pagbangon at pagpapanumbalik ng ganda ng kapitolyo.

Nagpasalamat din siya sa mga LGU na tumulong sa paghahanda at nagpaalala sa lahat na kahit dumaan sa maraming sakuna, mananatili ang katatagan ng mga Pangasinense.

Hinikayat niya ang lahat na magpatuloy sa pag-asa at pananampalataya ngayong Pasko.

Maraming mamamayan ang nagpahayag ng kasiyahan sa ipinakitang selebrasyon at sa pagsisikap ng pamahalaan ng lalawigan upang maibalik ang saya at liwanag ng Pasko, sa kabila ng mga pinagdaanang sakuna.

Sa kabuuan, ang Capitol Lighting 2025 ay muling nagpatunay na tunay ngang “Ang Galing ng Pangasinan”—isang lalawigang nagliliwanag hindi lamang dahil sa makukulay na ilaw, kundi dahil sa diwa ng pagkakaisa at pagbangon ng bawat Pangasinense.