Nanatiling buhay ang turismo sa Hundred Islands sa Alaminos City dahil sa malinaw na tubig at ligtas na paliguan dahilan ng pagdami ng mga turista.

Ayon kay Miguel Sison, City tourism officer, wala silang natatanggap na reklamo mula sa mga bisita dahil maaga pa lamang ay binibigyan na ang mga ito ng orientation bago pumasok sa Hundred Islands.

Ipinaliwanag niyang hindi dapat mag-expect nang sobra ang mga turista dahil kasalukuyan pang inaayos ang ilang bahagi ng parke.

--Ads--

Binanggit din niyang hindi apektado ang pangunahing atraksyon ng isla, ang malinis na tubig na angkop sa paglangoy.

Inamin ni Sison na nagulat din sila, maging ang mga boatmen, sa biglang pagdami ng turista.

Marami umano sa mga bangkero ang hindi nagdala ng sapat na motorboats dahil akala nila ay kakaunti lamang ang bisita, kaya’t muntik pang kapusin sa sasakyan para sa island tour, ngunit sa kabila nito, naasikaso pa rin ang lahat ng turista.

Inaasahan nilang mas lalo pang dadami ang bibisita simula Disyembre 15 hanggang 31, lalo na’t papalapit ang Christmas break.

Bukas naman aniya para sa mga bisita ang mga guesthouse sa isla at handang-handa nang tumanggap ng mga nais mag-overnight stay.

Giit niya, kumpleto pa rin ang mga atraksyon at aktibidad sa Hundred Islands.