Tinaga ng isang lalaki ang kanyang kapitbahay matapos ang mainit na pagtatalo sa bayan ng Mapandan dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon sa salaysay ng isang 58-anyos na barangay kagawad na nakasaksi, nagkaroon ng matinding alitan ang biktimang 48-anyos at ang suspek na 57-anyos.

Sa gitna ng pagtatalo, kumuha ang biktima ng metal pipe at pinalo ang ulo ng suspek.

--Ads--

Matapos nito, nagtungo ang suspek sa kanilang bahay, kinuha ang kanyang bolo, at tinaga ang biktima na tinamaan sa kanang paa.

Agad namagitan ang kanilang mga kamag-anak at dinala ang magkabilang panig sa ospital.
Sa isinagawang imbestigasyon ng Mapandan MPS, narekober sa lugar ang ginamit na metal pipe at bolo.

Inilipat naman ang biktima sa ibang ospital para sa karagdagang gamutan, habang naaresto ang suspek at kasalukuyang nasa kustodiya ng Mapandan MPS para sa tamang disposisyon.