Dagupan City – Nagbabala ang environmental watchdog na Ban Toxics sa publiko hinggil sa mga laruan na ibinibenta ngayong kapaskuhan na posibleng naglalaman ng nakalalasong kemikal gaya ng lead, cadmium at mercury.
Ayon kay Tony Dizon, Campaigner ng Ban Toxics, patuloy ang kanilang monitoring sa mga tindahan dahil paulit-ulit nilang nakikitaan ng mga laruan na may hazardous chemicals.
Ipinaliwanag ni Dizon na dapat ay mahigpit na sinusunod ng mga manufacturer ang Toy and Games Safety Labeling Law, kung saan kinakailangan na malinaw at mabasa ang impormasyon tulad ng age-appropriate label, hazard warnings, at gabay sa tamang paggamit ng produkto.
Gayunman, inamin niyang isa sa pinakamalaking hamon para sa kanila ang pagtukoy ng eksaktong uri ng kemikal na taglay ng ilang laruan sa merkado.
Kabilang sa mga posibleng epekto ng exposure sa laruan na may toxic chemicals ay ang pagkasira ng utak at iba pang seryosong komplikasyong pangkalusugan sa mga bata.
Batay sa kanilang pag-aaral, isa sa mga dahilan kung bakit napipilitang bumili ang mga magulang ng mumurahing laruan ay ang limitadong budget.
Dahil dito, pinayuhan ni Dizon ang publiko na mas piliing bumili ng educational toys sapagkat mas ligtas at mas kapaki-pakinabang ang mga ito.
Kaugnay nito, naglunsad ang Ban Toxics ng kampanyang “Waste-Free, Toxins-Free, and Zero-Waste Christmas” upang mabawasan ang basura at mapangalagaan ang kalikasan, lalo na ngayong holiday season.










