Dagupan City – Binalangkas ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang kanilang hakbang tungo sa modernisasyon ng lokal na transportasyon matapos magsagawa ng konsultasyon kasama ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Associations (TODA) sa Balungao kaugnay ng paggamit ng electric vehicles (EV).

Sa pulong, inilahad ng LTO ang mga paghahandang kinakailangan para sa paglipat sa mas makabagong transport system alinsunod sa Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA).

Kabilang dito ang pagbuo ng imprastraktura para sa charging stations, pag-adopt ng mga bagong operational guidelines, at ang pag-angkop ng mga tsuper at operator sa teknolohiyang gagamitin.

--Ads--

Ayon sa ahensya, mahalagang maihanda nang maayos ang sektor ng tricycle sa inaasahang transition upang maiwasan ang pagkaantala sa kanilang kabuhayan at operasyon.

Tinalakay rin ang mga oportunidad na dala ng EV adoption, kabilang ang mas tahimik na biyahe, mas mababang maintenance cost, at mas mataas na efficiency ng transport services sa mga komunidad.

Malaya ring nakapagtanong ang mga dumalo at nakapagbahagi ng kanilang mga pangamba, partikular sa gastusin sa paglipat sa EV at sa kakulangan pa ng charging facilities sa mga munisipalidad.

Tiniyak naman ng LTO Region 1 na patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga lokal na transport groups upang masiguro ang maayos, inklusibo, at planadong implementasyon ng EVIDA sa buong rehiyon.