Tiniyak ni Atty. Benjamin Gaspi, Regional Director ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1, na hindi bumabagal ang kanilang operasyon ngayong holiday season, lalo na sa harap ng mga naitalang insidente ng floating shabu na natatagpuan ng ilang mangingisda sa rehiyon.
Ayon kay Gaspi, tuloy-tuloy at mas pinaigting ang monitoring operations ng PDEA sa iba’t ibang lugar sa Region 1, partikular sa mga pampublikong terminals at sakayan upang matiyak na walang makalulusot na ilegal na droga.
Regular din aniya ang sweeping at paneling operations bilang bahagi ng kanilang preventive measures.
Dagdag pa niya, lahat ng uri ng transportasyon sa rehiyon ay may naka-deploy na K9 units upang mas mapabilis at mas mapahusay ang pag-detect ng kontrabando.
Patuloy rin ang koordinasyon ng PDEA sa mga lokal na pulis, lalo na sa mga lugar kung saan naitala ang pag-usbong ng ilegal na droga.
Kasabay nito, nagsasagawa rin ang PDEA ng awareness campaigns sa mga lokal na mangingisda matapos ang mga insidenteng may natatagpuang floating shabu sa karagatan.
Layunin ng programa na mabigyan sila ng sapat na kaalaman upang malaman ang tamang proseso kapag muling nakakita ng kahina-hinalang pakete sa dagat.
Patuloy din ang pakikipag-ugnayan ng PDEA sa intelligence community upang matiyak na walang iba pang nakabaon o naitago pang ilegal na droga sa mga coastal areas.
Giit ni Gaspi, 24/7 ang operasyon ng PDEA, at kahit holiday season ay hindi sila nagpapahinga.
Nanawagan naman ang PDEA sa publiko na magpatuloy sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatiling ligtas at malinis sa ilegal na droga ang Region 1 ngayong kapaskuhan.










