Dagupan City – Ipinagkaloob ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang libreng wifi sa bayan ng Mapandan matapos personal na bumisita kamakailan ang mga kinatawan ng ahensya.

Bahagi ito ng mas pinaigting na programang naglalayong palawakin ang akses sa mabilis at maaasahang koneksyon sa internet sa mga komunidad sa buong bansa.

Naikabit at naisagawa ng DICT ang pag-install ng libreng wifi sa paligid ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Command Center, na magsisilbing pangunahing lugar kung saan maaaring makinabang ang publiko kapag ito ay opisyal nang na-activate.

--Ads--

Inaasahang ang proyektong ito ay magbibigay-daan sa mas episyenteng daloy ng impormasyon, lalo na sa panahon ng emergency, at magiging malaking tulong sa mga residente na nangangailangan ng digital access para sa komunikasyon, pag-aaral, at iba pang online na serbisyo.

Malugod namang ipinahayag ng alkalde ng bayan na si Karl Christian F. Vega ang kanyang pasasalamat sa DICT sa pagtugon sa pangangailangan ng Mapandan para sa mas mahusay na digital connectivity.

Ang libreng wifi ay hindi lamang isang modernong serbisyo kundi isang mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at konektadong komunidad.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, naisusulong ang digital empowerment at serbisyong nakatuon sa pangangailangan ng publiko, habang ipinapakita naman ng DICT ang patuloy nitong misyon na dalhin ang teknolohiya nang mas malapit sa bawat Pilipino.