DAGUPAN CITY- Nag-anunsyo na ang DOST-PAGASA na opisyal nang mararanasan ang maikling La Niña sa tropical Pacific matapos bumaba ang sea surface temperatures simula Setyembre at umabot sa weak La Niña threshold nitong Nobyembre.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Jose Estrada Jr. ng PAGASA Dagupan City, inaasahang magpapatuloy ang La Niña hanggang unang quarter ng 2026, batay sa pagtataya ng iba’t ibang climate models.
Dahil dito, mas mataas ang tsansa ng above-normal rainfall mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, na posibleng magdulot ng baha, flashfloods, at rain-induced landslides sa maraming bahagi ng bansa, kabilang na ang Pangasinan.
Inaasahan din ang paglakas ng tropical cyclone activity sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) habang umiiral ang naturang kondisyon.
Ayon pa kay Engr. Estrada, nararanasan na rin ang epekto ng North-East Monsoon o Amihan, kaya bumaba ang temperatura sa probinsya, kung saan sa katunayan kaninang umaga ay nagtala ng temperatura na aabot sa 20 degrees Celsius.
Pinaalalahanan din ni Engr. Estrada ang publiko na magdala ng panangga sa katawan kung lalabas, lalo na sa madaling araw, upang maiwasan ang pagkakasakit dahil sa pabago-bagong temperatura.
Samantala, inaasahan din na magkakaroon ng isa o dalawang bagyo na papasok sa Philippine Area of Responsibility ngayong Disyembre. Sa kasalukuyan, nararanasan na ang bagyong Wilma, ang unang bagyo sa buwang ito, na tumatahak ngayon sa eastern Visayas.










