Nanatiling mataas ang presyo ng galunggong sa mga palengke, na ngayon ay nasa ₱280 hanggang ₱290 kada kilo na.
Ayon kay Engr. Rosendo So, chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), malinaw na suplay ang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo.
Aniya, konti ang dumadating na galunggong kaya tumataas talaga ang presyo.
Bukod dito ay may problema talaga sa paghuli ngayon.
Ipinaliwanag ni So na dahil sa malamig na panahon, lumilipat sa mas malalim na bahagi ng dagat ang mga isda, kaya mas mahirap hulihin.
Ani So, may theory na kapag malamig ang panahon, ang isda pumupunta sa mas malalim na lugar.
Mas mahirap silang hulihin, at ’yun ang nakikitang dahilan kaya nagkakaproblema sa suplay ng galunggong.
Dagdag pa ng SINAG, pati ang mga mangingisda ay apektado dahil kaunti ang kanilang nahuhuli, kaya bumababa ang kanilang kita.
Nanawagan si So na mabigyan ng fuel subsidy ang mga mangingisda upang mapababa ang gastos sa paghuli ng isda.
Bagama’t may patuloy na importasyon, hindi pa rin nito natutugunan ang kakulangan sa merkado.










