Dagupan City – Simple ngunit makabuluhan ang paglulunsad ng Christmas lights display sa bayan ng Laoac.

Ito ang naging mensahe ni Laoac Mayor Ricardo Balderas, kung saan ay sinabi nitong sinadya nilang gawing payak ang selebrasyon bilang pagsunod sa mandato ng pamahalaan na huwag maging magarbo upang masiguro na may sapat na pondo para sa iba pang kinakailangang programa ng bayan.

Ibinahagi rin ng alkalde na isa sa kanilang pinagkunan ng pondo para sa aktibidad ay mula sa raffle draw na ibinenta sa mga nais sumuporta.

--Ads--

Hindi rin umano nila inasahang dadagsain ng mga residente at bisita ang lighting event, lalo na’t limitado lamang ang inilagay na pailaw at nakasentro lang ito sa harapan ng munisipyo.

Sa kabila nito, isa sa mga kasalukuyang pinagpaplanuhan ng lokal na pamahalaan ang modernisasyon ng kanilang food court, kung saan layunin nilang magkaroon ng uniform na disenyo ang bawat puwesto upang maging mas maayos at mas malinis tingnan.

Tampok din sa pagbubukas ng programa ang mga cosplayer na nagpakita ng iba’t ibang karakter na tiyak na ikinatuwa at kinagiliwan ng mga bata.

Sa huli, ipinaabot ni Mayor Balderas ang kanyang mainit na pagbati ng “Maligayang Pasko” sa buong publiko.