Dagupan City – Kapansin-pansin ang pagkakahawig ng kasiyahan sa pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas at sa Bahamas.

Ito ang ibinahagi ni April Duallo, Bombo International News Correspondent na naka-base sa Bahamas.

Aniya, sa unang linggo pa lamang ng Disyembre ay abala na ang mga lokal sa paglalagay ng dekorasyon at pagdaraos ng samu’t saring aktibidad tulad ng tree lighting ceremonies, Christmas parties, at exchange gifts—mga kaugalian ding karaniwan sa mga Pilipino tuwing sasapit ang Kapaskuhan.

--Ads--

Pagdating sa handa sa Pasko, tampok sa hapag ng mga Bahamian ang ham at turkey, mac and cheese, pastries, matatamis na pagkain, at iba pang espesyal na putahe—na maihahambing sa masaganang Noche Buena ng mga Pilipino na may hamon, keso de bola, spaghetti, at iba pang tradisyonal na pagkain.

Ngunit kung may pagkakapareho, mayroon ding malinaw na pagkakaiba.

Sa Bahamas, pinakaabangan ng lahat ang “Jankanoo”, isang makulay at engrandeng parada na tampok ang malalaking dekorasyon, makukulay na maskara, at masiglang tugtugin.

Ipinagdiriwang ito tuwing Disyembre 25, at itinuturing na pangunahing atraksyon ng kanilang Pasko—isang tradisyong wala sa kulturang Pilipino.

Sa Pilipinas naman, mas maagang nagsisimula ang selebrasyon, kilala bilang pinakamahabang Pasko sa mundo, mula Setyembre pa lang ay may Christmas songs at dekorasyon na.