Nasawi ang isang lalaki na nakasakay sa bisikleta matapos magulungan o masagasaan ng isang truck sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Linmansangan sa bayan ng Binalonan, Pangasinan pasado alas-4:30 ng hapon ng Disyembre 3, taong kasalukuyan.

Kinilala ang biktima na isang 57 taong gulang na lalaki na walang permanenteng tirahan.

Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alamang binabagtas ng biktima ang kalsada patungong timog habang ang truck, na minamaneho ng isang 41-anyos na lalaki, ay nagmumula naman sa hilaga at patungo sa kanluran.

--Ads--

Pagdating sa pinangyarihan ng insidente, bigla umanong lumiko sa kanan ang truck, dahilan para magulungan ang biktima na nagbibisikleta.

Sinubukan pang tumakas ng driver, ngunit hindi rin nakalayo dahil biglaang sumabog ang gulong ng minamaneho nito.

Dahil sa matinding pinsala ng biktima, agad na dinala ang biktima sa isang district hospital, ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Hindi naman nasaktan ang driver ng truck ngunit dinala ito sa himpilan ng kapulisan para sa karagdagang imbestigasyon sa nangyaring insidente.