DAGUPAN CITY- Kumikislap at nag-uumapaw sa saya ang bayan ng Umingan matapos idaos ang makulay na pailaw na dinaluhan ng napakaraming residente, pamilya, magkakaibigan at mga estudyanteng sabik masaksihan ang pagbubukas ng kapaskuhan sa plaza.

Maaga pa lamang ay dagsa na ang mga tao at naglilibot sa iba’t ibang dekorasyon upang kumukuha ng larawan sa mga inilatag na atraksyon.

Tiniyak naman ng mga kapulisan, interns, POSO personnel at barangay volunteers ang seguridad at kaayusan ng buong lugar.

--Ads--

Itinalaga sa iba’t ibang bahagi ng plaza ang mga awtoridad upang masigurong ligtas ang lahat ng dumalo at maayos ang daloy ng trapiko at galaw ng mga tao.

Tampok ngayong taon ang malikhain at makulay na Arc of Hope na binuo ng iba’t ibang ahensya kabilang ang SK Federation, Panelco at iba pang lokal na samahan.

Nagpakitang-gilas din ang walong cluster ng Umingan sa kani-kanilang bersyon ng Arc of Hope, bawat isa ay may natatanging disenyo at konseptong sumisimbolo sa pag-asa at pagkakaisa.

Bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at talento, binigyan ng Certificate of Appreciation ang lahat ng lumahok sa pagbuo ng mga arc.

Hindi rin nagpahuli ang municipal offices na nagpaganda ng kani-kanilang espasyo sa temang Candy Land.

Ang makukulay na dekorasyon, candy-inspired ornaments at masayang atmosphere ay nagdagdag pa ng sigla sa kabuuang selebrasyon.

Nagbigay din ng mensahe ang Vice Mayor at ang Alkalde ng Umingan, na nagpahatid ng pasasalamat at inspirasyon sa komunidad.

Sinundan naman ito ng mga pagtatanghal mula sa iba’t ibang performers na nagbigay-aliw at musika sa buong gabi.

Ibinahagi ng pamahalaang lokal ang kanilang kasiyahan sa mainit na pagtanggap ng mga taga-Umingan sa mga inihandang programa at dekorasyon.

Naging simbolo ng pag-unlad at pagkakaisa ang masiglang pagdalo ng komunidad, lalo na’t patuloy na nakikilala ang bayan bilang isa sa mga dinarayong lugar.

Marami ring tinuturing na “unang beses” para sa administrasyon, kabilang ang mga bagong holiday attractions at mga proyektong nagbibigay ng dagdag na identidad sa Umingan bilang isang masigla at lumalagong bayan.

Sa huling bahagi ng programa, nagliwanag ang kalangitan sa isang makulay at masigabong fireworks display na nagpasigaw at nagpamangha sa mga manonood.

Naging perpektong pagtatapos ito sa isang gabi ng liwanag, musika, at sama-samang pagdiriwang.

Sa kabuuan, matagumpay at puno ng buhay ang pailaw sa bayan ng Umingan—isang patunay ng pagkakaisa, pag-asa, at patuloy na pag-unlad ng komunidad habang sabay-sabay nilang tinatanggap ang mas maliwanag na kapaskuhan.