Nasugatan ang dalawang lalaki matapos saksakin sa isang rambulan sa isang inuman sa Dagupan City.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nag-iinuman ang mga biktima at ang suspek, kasama ang kani-kanilang mga kaibigan, sa magkahiwalay na lamesa sa loob ng naturang inuman kung saan bawat grupo ay may apat na miyembro.
Habang kumakanta umano sa videoke machine ang isang miyembro ng grupo ng suspek, napansin nilang nagtatawanan ang grupo ng biktima.
Ito ay ikinagalit ng grupo ng suspek, na inakala nilang isang pang-iinsulto.
Nauwi ang hindi pagkakaintindihan sa mainitang pagtatalo, ngunit napigilan ito ng mga tauhan ng inuman.
Gayunpaman, ilang sandali lamang, nagkaroon ng rambulan sa pagitan ng dalawang grupo.
Sa gitna ng kaguluhan, lumabas ng inuman ang suspek at bumalik na may dalang patalim.
Sinaksak niya umano ang isa sa mga biktima, na nagtamo ng tatlong saksak sa katawan habang ang kasama ng biktima na nagtangkang tumulong ay sinaksak din ng suspek at nagtamo ng dalawang saksak.
Agad na dinala ang mga biktima sa ospital para sa medikal na atensyon.
Samantala, naaresto naman ang suspek, na isanv 18 taong gulang na construction worker na kasalukuyang nasa kustodiya na ng kapulisan.










