Habang papalapit ang Kapaskuhan at maraming manggagawa ang nakatatanggap na ng kanilang year-end bonuses, mas nagiging aktibo rin ang mga online scammer.
Ayon kay PCAPT Sharmaine Jassie Labrado ng Pangasinan Provincial Cyber Response Team, hindi maiiwasan ang pagdami ng online shopping ngayong Disyembre, kaya mas masusi ring tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang iba’t ibang uri ng cybercrime.
Isa sa mga pinaka-karaniwang modus ngayong holiday season ay ang online booking scam, kung saan nag-aalok ng “murang” accommodation at nanghihingi ng downpayment o full payment.
Kapag nakapagpadala na ang biktima, saka malalaman na peke pala ang transaksyon.
Bukod dito ay nagpapatuloy din ang online selling scam sa iba’t ibang platforms.
Maraming produkto ang ino-offer sa mas mababang presyo, ngunit kapag nagbayad na ang buyer ay hindi na makontak ang seller.
Dahil dito ani Labrado, na mas mainam ang Cash on Delivery (COD) upang maiwasan na maging biktima ng mga pekeng transaksyon.
May mga kaso rin ng online buying scam kung saan ipinapakita ng scammer na bayad na sila gamit ang fake digital receipts.
Kung saan isa itong taktika para malinlang ang mga online seller, lalo na ngayong dagsa ang orders sa holiday season.
Bagama’t mas convenient ang online transactions, paalala ni Labrado na dapat iwasan ang mga “too good to be true” offers.
Kailangan umanong i-verify ang bawat seller o booking site, at huwag basta-bastang magbigay ng confidential o financial information.










