Dagupan City – ‎Nagpapatuloy ang paggawa ng drainage system sa Barangay Tebeng, Dagupan City bilang bahagi ng first phase ng proyektong popondohan ng limang milyong piso mula sa opisina ni Pangasinan 4th District Congressman De Venecia.

Nakatakdang ikonekta ang bagong linya sa main drainage upang mapabilis ang pagdaloy ng tubig palabas ng lugar.

‎Ayon kay Barangay Chairman Mark Gomez, inaasahang mababawasan ang tagal ng pag-iipon ng tubig sa kalsada at mga mabababang bahagi ng lugar, lalo na tuwing may malalakas na pag-ulan.

Bagama’t hindi kabilang ang Barangay Tebeng sa mga madalas na lubog sa baha, iginiit ng pamunuan na kailangan pa ring palakasin ang pasilidad upang maiwasan ang pagtaas ng tubig sa mga kabahayan.

‎Tinitiyak ngayon ng barangay at ng contractor na maayos ang sequencing ng trabaho para hindi maantala ang operasyon sa mga kalsadang dinadaanan ng residente at motorista.

--Ads--

Kapag natapos ang unang yugto, ilalatag ang kasunod na koneksiyon para mas maging episyente ang kabuuang drainage network ng lugar.

‎Target ng pamunuan ng Barangay na makatulong ang proyektong ito para matiyak na hindi maapektuhan ng tubig baha ang lugar.