DAGUPAN CITY- Masayang sinalubong ng mga residente ng Lingayen ang pagbubukas ng taunang Pailaw sa kanilang bayan.

Nagsimula ang isang gabi ng liwanag at kasiyahan bandang 6:00 ng gabi at tumagal hanggang hatinggabi.

Tampok sa programa ang masisiglang pagtatanghal ng mga performers na naghandog ng mga awiting pamasko na lalo pang nagpainit sa kapaskuhan sa bayan.

--Ads--

Bilang pasasalamat sa mga residente, naghandog ang lokal na pamahalaan ng libreng pagkain para sa lahat ng dumalo.

Samantala, nakaantabay ang Lingayen PNP, BFP, at POSO upang matiyak ang seguridad at kaayusan ng buong selebrasyon, lalo na’t dagsa ang mga dumalo mula sa iba’t ibang barangay.

Upang masubukan mismo ang mga bagong atraksyon, sinamahan ni Mayor Josefina Castañeda ang Bise Alkalde at mga konsehal sa pag-ikot sa carnival area.

Sinubukan nila ang ilang rides at laro, na nagpakita ng suporta sa mga inihandang aktibidad para sa kabataan at pamilya.

Para sa mga residente ng Lingayen, labis-labis ang kanilang pasasalamat sa Pamahalaan ng Lingayen.

Ngayong taon, mas pinaganda at mas pinatingkad ang ilaw at dekorasyon sa municipal grounds.

Sa kabila ng mga naging hamon, kabilang ang pagkasira ng maraming istruktura bago ang bagyo, mabilis na isinagawa ang paghahanda upang matiyak na maipagpapatuloy ang tradisyong nagbibigay saya at pag-asa sa mga Lingayense.

Itinuturing ng pamahalaang lokal ang Pailaw bilang simbolo ng pag-asa, pagkakaisa, at pagmamahal sa komunidad.

Ang mas maliwanag na display ngayong taon ay layong magbigay-inspirasyon at makapaghatid ng mas masayang kapaskuhan sa bawat residente.

Sa kabuuan, naging matagumpay at makulay ang pagbubukas ng Pailaw sa Lingayen—isang malinaw na patunay ng masiglang diwa ng Pasko sa buong bayan.