DAGUPAN CITY- Ipinahayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ang kanilang buong suporta sa pagpapatupad ng Department of Agriculture (DA) ng Maximum Suggested Retail Price (SRP) na P120 kada kilo para sa sibuyas ngayong araw Disyembre 1.

Ayon kay Engr. Rosendo So ng SINAG, ang hakbang na ito ay napapanahon upang magkaroon ng gabay na presyo para sa mga nagtitinda at mapagaan ang pasakit sa mga konsyumer.

Ipinaliwanag ni So na ang harvest season ng local na sibuyas ay sa Enero pa, at ang peak season na harvest naman ay sa Marso.

--Ads--

Dahil dito, aniya na nasa 95% ng sibuyas sa merkado ay halos mga imported kaya tiniyak nito na sapat pa rin ang suplay ng sibuyas hanggang Enero sa susunod na taon.

Ayon pa kay So, ang SRP ay tama lamang dahil sa labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas sa merkado lalo na’t paiba-iba ang presyo nito sa ilang nagbebenta.

Sa pamamagitan nito, hindi mabibigla ang mga konsyumer sa pagbili ng mataas na presyo ng sibuyas, kaya malaking bagay ito para magkaroon ng iisang presyong sinusundan.

Inaasahan na ang SRP ay mananatili hanggang Pebrero 9.

Samantala, ang layunin ng SRP ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ay upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng sibuyas, lalo na ngayong Kapaskuhan.