Mas maayos at payapa ang kaganapan ng ikalawang Trillion Peso March.
Ayon kay Volts Bohol, presidente ng ATOM 21 Movement, sa kabila ng dami ng dumalo, wala namang naiulat ng insidenteng nagdulot ng kaguluhan.
Kumpara sa isinagawa noong Setyembre 21, mas mahaba ang naging ruta ng martsa nitong nakaraang araw.
Ayon kay Bohol, ang bilang ng mga dumalo ay katulad ng inaasahan.
Layunin ng kanilang kilusan na makita ang katuparan ng pangako ng gobyerno: makukulong ang mga may sala bago mag-Pasko.
Bagaman nailabas na ang pangalan ng ilang kakasuhan, wala pa aniyang kasamang pangalan ng “malalaking isda” sa listahan.
Binibigyang-diin ni Bohol ang kahalagahan ng due process para sa mga kinauukulan, ngunit naniniwala ang mga miyembro ng ATOM 21 na mahalaga ang pagkilos upang tiyakin na may pananagutan sa gobyerno.
Ang martsa ay simbolo ng panawagan ng publiko para sa transparency at accountability, at ipinakita ng mga kalahok ang determinasyon nilang masigurong matutupad ang mga pangako bago matapos ang taon.










