Dagupan City – Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naganap na mass shooting sa Stockton, California, kung saan apat ang nasawi—tatlo rito ay mga bata—habang 10 naman ang sugatan matapos pagbabarilin ang isang children’s birthday party.

Ayon kay Marissa Pascual, Bombo International News Correspondent sa USA, labis ang pagdadalamhati ng mga pamilya ng mga biktima at umaasa silang agad na mahuhuli ang suspek, lalo na’t nalalapit na ang panahon ng Kapaskuhan.

Sa katunayan aniya kinumpirma ng San Joaquin County Sheriff’s Office na kabilang sa mga nasawi ang mga batang dumalo sa nasabing selebrasyon.

--Ads--

Naganap ang insidente sa isang event hall kung saan idinaraos ang kaarawan, at isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga imbestigador ay ang posibilidad na may partikular na target ang suspek.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagkakaroon ng kasiyahan ang grupo nang bigla silang pagbabarilin ng isang armadong indibidwal.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril at kasalukuyan pa ring tinutugis ng mga awtoridad.

Patuloy ding inaalam ng pulisya ang motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen.