Dagupan City – Nagliwanag ang Bayan ng Calasiao matapos idaos ang taunang Ceremonial Christmas Lighting ng Ilaw ng Pagkakaisa at Ilaw ng Pag-asa, isang aktibidad na nagtipon ng mga residente at opisyal bilang hudyat ng pagsisimula ng kapaskuhan sa bayan.
Idinaos ang programa sa gitna ng malaking pagtitipon ng mga residente, na nagpuno sa lugar ng sigla at paghanga habang sabay-sabay na isinindi ang mga dekorasyon at ilaw.
Naging kapansin-pansin ang maaliwalas na pagtanggap ng komunidad sa tradisyong taun-taong isinasagawa.
Dumalo sa kaganapan si Vice Governor Mark Lambino, kasama ang mga lokal na opisyal, bilang pagpapakita ng suporta sa mga programang naglalayong palakasin ang ugnayan ng pamahalaan at mamamayan.
Nanatiling sentro ng okasyon ang komunidad at ang presensya na sama-samang nagdiriwang, na siyang ring itinuturing ng mga opisyal na tunay na nagbibigay-diin sa diwa ng kapaskuhan.
Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng taunang lighting ceremony na patuloy na palakasin ang diwa ng pagkakaisa at bigyang-diin ang pag-asa para sa bayan sa pagpasok ng kapaskuhan.
Patuloy din umanong magsasagawa ang LGU ng mga aktibidad na nakatuon sa komunidad habang papalapit ang Pasko.










