Dagupan City – Pormal na pinagtibay ng Barangay Council ng Sto. Tomas sa resolusyon na naglalayong kumpirmahin at ilahad ang katotohanan hinggil sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang lugar.
Sa Barangay Resolution No. 12, Series of 2025, kinilala ng Konseho na ang tatlong pangunahing proyekto ng DPWH—ang Construction/Maintenance of Flood Mitigation Structures and Drainage Systems sa Sto. Tomas; ang kaparehong proyekto sa Sto. Tomas–Casibong; at ang Construction of Slope Protection sa Sto. Tomas—na may kabuuang revised contract cost na milyun-milyong piso, ay aktwal na umiiral, kumpleto, at itinayo ayon sa tamang plano at espesipikasyon.
Ipinunto rin ng barangay na napatunayan nilang dumaan sa tamang proseso at kalidad ang bawat konstruksyon, at ang mga istrukturang ito ay matibay na nakapagsilbi bilang depensa ng komunidad laban sa mga nagdaang bagyo at malalakas na pag-ulan, lalo na sa harap ng tumitinding epekto ng climate change.
Ayon sa resolusyon, kung wala ang mga flood control at riverbank protection projects na ito, malaki ang posibilidad na nakaranas ang mga residente ng malawakang pinsala sa ari-arian, kabuhayan, at maging sa mga alagang hayop.
Binigyang-diin din ng Barangay Council na ang naunang resolusyon na ikinakalat kaugnay sa parehong proyekto ay hindi totoo at hindi kumakatawan sa barangay, dahil hindi ito dumaan sa deliberasyon at hindi nilagdaan ng Punong Barangay.
Tinukoy rin nila na ang dokumentong inihain ni Jaime Aquino ay fabricated. Si Aquino ang nanguna sa pagsampa ng kaso sa Office of the Ombudsman dahil umano sa ghost flood control project na matatagpuan sa brgy Sto. Tomas, San Jacinto.
Ipinahayag din sa resolusyon ng Barangay Sto. Tomas ang pagsuporta, pasasalamat, at pagkilala sa DPWH.










