Dagupan City – Nagsagawa ng committee hearing ang Dagupan City ukol sa ipagbabawal na paglalagay ng radio antennae at advertising billboards sa tuktok ng mga gusali.

Kasama rin sa panukala ang agarang structural inspection ng mga kasalukuyang nakatayo matapos ang pananalasa ng Typhoon Uwan.

Tinalakay sa pagdinig ang rekomendasyong obligahin ang City Civil Engineering Office na maglatag ng standard design para sa mga antennang kayang tumagal sa 300 kph na hangin, kasama na ang mas matitibay na billboard structures.

--Ads--

Kabilang din sa mga mungkahi ang pagdoble ng structural strength ng mga antennae upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, lalo na tuwing may malalakas na bagyo.

Nagbigay ng paglilinaw si Acting Vice Mayor Michael Fernandez na ang ordinansa ay hindi lamang limitado sa radio antenna, kundi sumasaklaw din sa iba pang estrukturang katulad ng communication maps, relay towers, satellite dish supports, at iba pang kaparehong istruktura.

Ayon kay Fernandez, maraming existing na antennang nakatayo sa lungsod, kabilang ang mga dumaan na sa mga bagyong katulad ng U1, ang mga ito ay matibay at hindi bumigay.

Ang pangunahing layunin ng ordinansa ay matukoy at ayusin lamang ang mga hindi matibay na istruktura, at hindi lahat ng antenna o tower ay kailangang baguhin.

Bahagi rin ng talakayan ang pagsusuri kung kayang tiyakin ng City Engineering Office na ang mga commercial radio antenna sa lungsod ay nakasunod sa itinakdang wind load requirement.

Patuloy pa rin ang review at refinement ng draft ordinance bago ito isalang sa plenaryo para sa mas malalim na deliberasyon at posibleng pag-apruba.