Tinanggihan ng 5 panel judges ng International Criminal Court (ICC) Appeals Chamber sa pamamagitan ng “unanimous” decision ang hiling na interim release o pansamantalang paglaya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong Biyernes, Nobiyembre 28.
Binasa ni ICC Appeals Chamber Presiding Judge Luz del Carmen Ibáñez Carranza ang naturang desisyon. Pinagtibay ng Appeals Chamber ang naging desisyon ng Pre-Trial Chamber I na nauna ng tinanggihan ang apela ng dating Pangulo para sa interim release, kung saan nakikitang kailangan ang patuloy na pagkulong sa former president ng Pilipinas.
Subalit iniapela ito ng kampo ng dating Pangulo at ikinatwirang nabigo umano ang Pre-Trial Chamber I na may flight risk o may panganib na takasan ng dating Pangulo ang paguusig sa inaakusahang crimes against humanity laban sa kaniya.
Una rito, nag-waive ang dating Pangulo ng kaniyang karapatan na maging present sa pagbasa ng hatol sa kaniyang interim release request at inatasan ang kaniyang lead counsel na si Nicholas Kaufman na kumatawan sa kaniya at dinggin ang desisyon ng Appeals Chamber.










