Pinalalakas ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office 1 ang kanilang mandato na makipagtulungan sa mga barangay para sa drug-free na komunidad

Ayon kay Regional Director Atty. Benjamin Gaspi, mahalaga ang tuloy-tuloy at aktibong pakikilahok ng mga barangay at ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) upang labanan ang mga iligal na droga sa komunidad.

Aniya na kung aktibo at kooperatibo ang partisipasyon, haharapin ng BADAC personnel, kasama ang barangay at PDEA, ang lahat ng ilegal na gawain o krimen batay sa Republic Act 9165.

--Ads--

Kasama rito ang mga drug poser, drug peddlers, at planters.

Ang mga sangkot sa iligal na droga na nakalista sa Certified BADAC Watchlist ay hinihikayat na sumailalim sa rehabilitasyon sa pamamagitan ng Community-Based Drug Rehabilitation Program, Treatment and Rehabilitation Center (TRC), o General Intervention.

Samantala, ang mga drug offenders na hindi sakop ng warrantless operation ay puwede ring sumailalim sa rehabilitasyon sa Balay-Silangan Reformation Center, isang espesyal at eksklusibong pasilidad para sa drug offenders.

Sa kasalukuyan, may 54 operational Balay-Silangan Reformation Centers sa lalawigan.

Ayon kay Gaspi, layunin ng mga local government units na gawing drug-free ang bawat munisipalidad at barangay.

May Dangerous Drug Board (DDB) resolutions na nag-uutos sa pagtatayo ng Balay-Silangan Reformation Center sa bawat lungsod, munisipalidad, o lalawigan, at ang PDEA ang tanging ahensya na nagpapatupad ng naturang mandate upang matiyak ang maayos na operasyon ng mga pasilidad.