Nasawi ang isang 28-anyos na lalaki matapos bumangga sa likuran ng nakaparadang truck sa bayan ng Villasis, dito sa lalawigan ng Pangasinan.
Nangyari ito sa kahabaan ng By pass road sa Barangay San Nicolas sa nasabing bayan kung saan minamaneho nito ng lalaki ang kanyang motorsiklo.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang motorsiklo ay naglalakbay pakanluran nang bumangga sa likurang bahagi ng truck habang nakaparada naman ang truck sa outermost lane dahil sa mechanical error at walang early warning device na nakalagay.
Dahil sa lakas ng impact nagdulot ito ng matinding pinsala sa katawan ng motorista kaya’t agad siyang dinala sa Urdaneta District Hospital, ngunit idineklarang dead on arrival.
Patuloy naman ang ginagawang karagdagang imbestigasyon sa nangyaring aksidente.
Samantala, Pinapayuhan naman ng otoridad ang lahat ng motorista na maging maingat sa pagmamaneho, lalo na sa gabi kung saan siguraduhing gumamit ng helmet, visibility vest, at sumunod sa lahat ng batas trapiko.
Dagdag pa na kung may problema sa sasakyan na ipaparada sa kalsada, maglagay ng early warning device upang maiwasan ang aksidente.










