DAGUPAN CITY- Ikinagulat ng pamunuan ng Barangay Bacayao Norte ang pagkakatuklas ng mga otoridad sa ilegal na pagawaan ng paputok sa kanilang nasasakupan.
Ito ay matapos magkaroon ng dalawang magkasunod na raid ng kapulisan ng Dagupan sa nasabing barangay.
Ayon kay Barangay Captain Diosdado Maramba, hindi nila inaasahan na may ganitong aktibidad sa kanilang lugar dahil ang mga pagawaan ay natagpuan sa liblib na mga sitio ng Boquig at Caniogan, malayo sa residential area.
Aniya na wala silang kaalam-alam na may nagaganap palang ganitong aktibidad sa kanilang nasasakupan dahil sa mga nakalipas na taon ay hindi naman sila nagkakaroon ng ulat tungkol dito.
Saad nito na ang mga lugar na ito ay malapit sa dike at may nakatayong mga barong-barong na nagsisilbing imbakan at pagawaan.
Pagbabahagi pa nito na ang mga naganap na raid ay walang nahuling indibidwal dahil hindi naman tinitirhan ang mismong mga pagawaan.
Dahil sa insidente, patuloy ang paalala ng barangay sa kanilang nasasakupan na ipagbigay-alam sa kanila kung may makikitang muling gumagawa o nagtatago ng paputok sa mga lugar na naraid.
Ayaw umano nilang maulit ang trahedyang nangyari sa Barangay Tebeng dahil sa pagsabog.










