Under monitoring ang ilang mangingisda na dating nagsurrender ng ilang pakete ng ‘floating shabu’ sa karagatan ng Pangasinan.

Ayon kay kay Police Captain Rowell C. Isit, Team 2 Leader ng PDEG Pangasinan, mahigpit nilang mino-monitor ang ilang indibidwal bagama’t hindi binanggit ang eksaktong bilang ng mga nasa watchlist, sinabi niyang sinadya nilang hindi ito isapubliko upang hindi maapektuhan ang kanilang operasyon.

Aniya batay sa pahayag ng mga ito sa awtoridad, ilan sa mga mangingisda ay natukso umanong itago ang ilang pakete ng droga, na ginagamit nila bilang pantustos sa pangangailangan ng pamilya.

--Ads--

Marami din sa mga ito ay no read, no write, at inamin umano na sinubukan nilang “palamigin” muna ang isyu bago ito isuko.

Sa kasalukuyan ang mga mangingisda mula sa Bolinao at Agno na unang kinasangkutan ng insidente ay kasalukuyan nang nasa Alaminos City Jail habang nagpapatuloy ang proseso kaugnay ng kanilang mga kaso.

Kaugnay nito ay mas pinalakas ng PDEG ang kanilang interagency collaboration upang mapatibay ang kampanya laban sa ilegal na droga sa kanlurang bahagi ng Pangasinan, lalo na sa coastal communities kung saan madalas lumulutang ang mga ipinupuslit na kontrabando.

Kabilang sa mga hakbang ng PDEG at mga katuwang na ahensya ang mas pinaigting na checkpoints upang mabantayan ang pagpasok at paglabas ng ilegal na droga sa lalawigan.

Patuloy namang nananawagan ang PDEG sa publiko, lalo na sa mga mangingisda, na makipagtulungan at agad mag-ulat kung may mapansing kahina-hinalang aktibidad sa karagatan.