Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Dagupan City Police Office kaugnay sa nadiskubreng ilegal na pagwaan ng paputok sa isang liblib na lote sa Barangay Bacayao Norte.
Ayon sa mga ulat, natagpuan sa lugar ang iba’t ibang kemikal na ginagamit sa paggawa ng paputok, mga kagamitan, at ilang mga natapos nang produkto na ilegal na ibinebenta kung saan kinumpiska rin ang mga ito bilang ebidensya.
Ito na ang ikalawang beses sa loob lamang ng isang linggo na may natagpuang iligal na pagawaan at imbakan ng mga paputok at kasangkapan nito sa nasabing barangay.
Sa ngayon, inaalam pa ng mga kapulisan ang eksaktong dami ng mga nakumpiskang materyales at ang halaga nito.
Patuloy rin ang paghahanap sa mga taong responsable sa pagpapatakbo ng ilegal na pabrika.
Nagpaalala ang lokal na pamahalaan sa publiko na maging mapagmatyag at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar upang maiwasan ang mga ganitong insidente.










