DAGUPAN CITY- Patuloy pinanghahawakan ng mga pamilya ng mga biktima ng ‘War on Drugs’ ang hindi pagtanggap ng International Criminal Court (ICC) sa naunang paghingi ng Interim Release ng kampo ni Dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong magkakaroon na ito ng pagdinig sa November 28 sa isang Open Court.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rubilyn Litao, Coordinator ng Rise Up For Life and For Right, sa pagkakataon ito, mas mababantayan ang pagdinig dahil bubuksan ito sa publiko sa pamamagitan ng live streaming.
Aniya, umaasa sila na mas mapapanigan ang mga nabiktima ng ‘War on Drugs’ at hindi ang dating pangulo na aniya, pinakautak ng mga pagpaslang.
Bukod pa kay Duterte, sang-ayon din si Litao na makasama ng dating pangulo si Sen. Bato Dela Rosa sa ICC.
Kung sakali man mapagbigyan si Duterte, patuloy sila, kasama ang mga pamilya ng mga biktima, sa paglaban hanggang sa tunay na mapanagot ang pinakaresponsable sa nagawang pagpaslang sa ilalim ng Duterte Administration.
Gayunpaman, malaki ang kanilang tiwala sa ginagawang proseso ng ICC dahil kapansin-pansin naman umano ang pagiging tapat ng mga ito sa tungkulin at walang rin pinapanigan.










