Hindi na kailangang palabasin bilang terorista si Zaldy Co dahil mayroon na itong warrant of arrest.
Ito ang binigyang diin ni Atty. Joseph Emmanuel Cera – Constitutional lawyer sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kasunod sa pahayag ni Co na ang Marcos administration ay nais palabasin siya bilang isang terorista.
Ani Cera walang opisyal na pahayag mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagsasabing ikokonsidera bilang terorista si Co.
Bagkus hindi na kinakailangan ang ganitong label dahil mayroon nang warrant of arrest si Co. at ang kanyang mga kaso ay non-bailable.
Saad nito na kapag nadakip siya, hindi na siya makakalabas habang isinasagawa ang legal na proseso.
Dagdag pa niya, ang mga karagdagang hakbang tulad ng pagkansela ng pasaporte at extradition sa ibang bansa ay naaayon sa umiiral na batas at kasunduan sa ibang bansa. Kapag nakita siya sa isang lugar kung saan may treaty ang Pilipinas ay doon na papasok ang extradition.
Pinabulaanan rin nito ang mga alegasyon ni Co na kaya hindi siya bumabalik sa Pilipinas dahil sa banta sa kanyang buhay.
Ayon pa kay Cera, mahirap paniwalaan ang mga salaysay na iyon lalo na at mas ligtas siya sa bansa upang harapin ang mga kasong nakapataw sa kanya.
Hindi umano siya papatayin dito dahil kung mangyayari iyon ay mas magkakaproblema ang pamahalaan at sisihin ng taumbayan ang rehimeng Marcos.
Ipinunto rin niya na ang mainam na hakbang para kay Zaldy Co ay ang bumalik sa bansa at panindigan ang kanyang mga alegasyon sa ilalim ng panunumpa sa korte, sa halip na sa pamamagitan lamang ng video statements.










