Dagupan City – Tiniyak ng Binalonan Municipal Police Station (MPS) ang kaligtasan ng publiko na bibisita sa Binalonan Food Bazaar, na isa sa mga pangunahing atraksyon sa bayan, lalo na ngayong papalapit na ang kapaskuhan.
Ayon kay Pmaj. Zynon Paiking, COP ng Binalonan MPS, bumuo na sila ng Binalonan Bazaar Task Force sa pangunguna ng MDRRMO upang mapanatiling maayos ang kaganapan sa lugar.
Bagama’t may naitalang ilang insidente ng pagnanakaw sa nakalipas na mga linggo, nananatili itong ‘manageable’ at kontrolado ng mga awtoridad.
Dagdag pa niya, patuloy ang police visibility sa lugar upang magbantay at magpatrolya sa Food Bazaar, lalo na kapag may isinasagawang aktibidad.
Hinihikayat din ang publiko na maging mapagmatyag at agad ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Nakikipag-ugnayan din ang Binalonan MPS sa mga organizers at stall owners ng Food Bazaar upang magpatupad ng karagdagang hakbang para sa seguridad, dahil may naitala nang insidente sa ilang pwesto.
Ayon sa pulisya, maluwag naman ang lugar na dinadaanan ng mga tao kaya walang problema sa dami ng tao at trapiko.
Samantala, nagpaalala ang pulisya sa mga bisita na ugaliing bantayan ang kanilang mga kagamitan upang hindi maging biktima ng pagnanakaw.










