Dagupan City – Itinuon ng kasalakuyang administrasyon sa bayan ng Bayambang ngayong taon ang agarang pagtugon sa pangangailangan ng mga mamamayan, lalo na sa mga naapektuhan ng sunod-sunod na kalamidad, sa halip na magsagawa ng marangyang selebrasyon para sa State of the Municipality Address (SOMA).

Sa halip na ilaan ang pondo sa engrandeng pagdiriwang, ginamit ito ng lokal na pamahalaan para sa mga serbisyong mas kritikal at kaagad na kinakailangan ng mga residente.

Ayon sa administrasyon, mas mahalaga ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga pangangailangan ng komunidad kaysa sa magarbo at magastos na okasyon.

--Ads--

Ipinakita rin ng unang 100 araw ni Mayor Nina Jose-Quiambao ang matibay na pagtutok sa transparency, disiplina, at malasakit sa mamamayan.

Binibigyang-diin ng alkalde na ang tunay na epekto ng pamahalaan ay nasusukat sa konkretong aksyon at serbisyo, hindi sa ingay o ganda ng selebrasyon.

Ayon kay Mayor Jose-Quiambao, ang diwa ng pamamahala ay nakabatay sa disiplina tungo sa kaunlaran—isang hamon sa lahat na maging mas matatag, responsable, at nagkakaisa sa pagtugon sa mga hamon ng bayan.

Pinayuhan din niya ang mga opisyal at residente na patuloy na magkaisa, magtulungan, at pangalagaan ang kapakanan ng bawat isa upang mas mabilis makabangon ang komunidad.

Sa kanyang pahayag, inilatag ng administrasyon ang mga tagumpay ng unang 100 araw, kabilang ang mabilis na aksyon sa relief operations, rehabilitasyon ng imprastruktura, at pagpapalakas ng mga serbisyong panlipunan.

Iniimbitahan ng alkalde ang publiko na panoorin ang State of the Municipality Address 2025 at ang ulat ng First 100 Days upang mas makita ang konkretong hakbang at epekto ng kanyang pamamahala sa buhay ng mga residente.