Magiging bukas para sa publiko ang pagdinig ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa apela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte para sa pansamantalang paglaya sa darating na Nobyembre 28.
Sa isang opisyal na abiso, sinabi ng ICC na ilalabas ang kanilang magiging pasya sa isang open court proceeding sa The Hague, Netherlands, alas-10:30 ng umaga (local time).
Ipinahayag din ng korte na ang naturang pagdinig ay ipapalabas nang live sa kanilang opisyal na website, at maaari ring mapanood sa kanilang mga social media platforms tulad ng Facebook at YouTube.
Bagama’t hindi pa inilalabas ng ICC ang karagdagang detalye tungkol sa nilalaman ng apela, ang naturang hakbang ay bahagi ng umiiral na judicial procedures ng korte.
Ang “interim release” ay karaniwang hinihiling ng mga indibidwal na nasa ilalim ng imbestigasyon o proseso ng ICC, depende sa legal na kalagayan ng kanilang kaso at assessment ng korte.
Inaasahang aabangan ng publiko at mga tagasuporta ni Duterte ang magiging desisyon ng ICC, na bahagi ng nagpapatuloy na proseso kaugnay ng mga kasong iniuugnay sa dating pangulo.










