Umaasa ang Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO) na maaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hinihiling nilang ₱3 dagdag-pamasahe, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina.
Ayon kay Liberty de Luna, Presidente ng ACTO, kasalukuyan pang hinihintay ng grupo ang tugon ng LTFRB Chairman matapos isailalim sa consultative discussions ang fare increase petition.
Dagdag niya, mahalagang hintayin muna ang pinal na desisyon ng LTFRB bago magpatupad ng anumang hakbang.
Nauna nang naaprubahan ang ₱2 dagdag-pamasahe, at ang karagdagang ₱3 na lamang ang hinihiling ng grupo upang maibsan ang epekto ng tumataas na gastusin sa operasyon ng mga tsuper at operator.
Binigyang-diin ni De Luna na marami pa sa mga driver at operator ang may mga isyung hindi pa natatapos kabilang ang hindi pa paglipat ng mga sasakyan sa kanilang pangalan—kaya’t mas kailangan umano ang suporta mula sa pamahalaan.
Hinimok din niya ang buong transport sector na magtiis at maghintay muna habang patuloy silang nakikipag-usap sa mga ahensya ng pamahalaan upang maaprubahan ang dagdag-pamasahe o maibigay man lang ang fuel subsidy.










