Dagupan City – Inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na tinatayang nasa 10% lamang ng mga rice farmers ang direktang naapektuhan ng nagdaang bagyong Uwan.

Ayon kay Engr. Rosendo So, Chairman ng SINAG, na 90% sa mga ito ay nakapag-ani na kaya hindi na gaanong naapektuhan ang kani-kanilang pananim na palay ngunit nakikita nilang ang pinakaapektado ay ang mga pananim na gulay dahil nagkaroon ng kakulangan ng suplay kaya may bahagyang pagtaas ang presyo nito noong nakalipas na linggo.

Bukod sa gulay, naapektuhan din ang mga livestocks gaya ng manok at baboy ngunit sa ngayon ay nasa stable na ang kalagayan.

--Ads--

Samantala, sa pinakahuling tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ay umabot na sa mahigit PHP1 bilyon ang danyos sa sektor ng agrikultura sa Pangasinan dahil sa Bagyong Uwan.

Ang pinsala ay kinabibilangan ng PHP102.3 milyon sa palay, PHP605.5 milyon sa fishery, PHP561.6 milyon sa high-value crops, PHP37.2 milyon sa mais, PHP224.5 milyon sa livestock at PHP176.5 milyon sa imprastraktura.

Aabot din sa 13,232 na magsasaka at mangingisda sa lalawigan ang naapektuhan.

Sa kasalukuyan, nakatanggap na ang pamahalaang panlalawigan ng PHP50 milyon mula sa national government para sa rehabilitasyon at agarang pangangailangan ng mga residente.

Ipinrisinta na rin ang pangangailangan para sa binhi, punla, fingerlings, kagamitan sa pangingisda, at cash assistance sa mga opisyal ng gabinete.

Patuloy ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga organisasyon upang matulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda na makabangon mula sa pinsala ng bagyo.