Dagupan City – Pormal nang binuksan ang Pangasinan Basketball Tournament 2025 – Governor’s Cup, na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan, kabilang ang mga alkalde at district representatives na buong-suportang sumali sa selebrasyong pampalakasan.
Ginanap ang makulay na opening ceremony sa Narciso Ramos Sports and Civic Center (NRSCC) kung saan sinalubong ang mga atleta at opisyal mula sa iba’t ibang local government units.
Sa kabuuan, 35 sa 48 na bayan at lungsod ng Pangasinan ang opisyal na kalahok sa torneo, na layong palakasin ang sports development at itaguyod ang pagkakaisa sa buong probinsya.
Umaasa ang pamahalaang panlalawigan na ang Governor’s Cup ay magsisilbing plataporma para sa pagkilala sa husay at talento ng mga kabataang manlalaro, habang nagpapatibay ng samahan sa pagitan ng mga LGU.
Patuloy pang isasagawa ang mga laro sa mga susunod na araw, kung saan inaasahan ang masiglang kompetisyon at pagtitipon ng mga taga-Pangasinan upang suportahan ang kani-kanilang koponan.
Sa paglulunsad ng Governor’s Cup ngayong 2025, muling pinatutunayan ng lalawigan ang matibay nitong suporta sa larangan ng sports at youth development.










