DAGUPAN CITY — Ipinananawagan ng mga magsasaka at residente ang agarang aksyon ng mga awtoridad laban sa umano’y illegal quarrying na nagdudulot ng malawakang pinsala sa mga sakahan at panganib sa mga residente sa Barangay Samon, Sta. Maria, Pangasinan.
Ayon kay Engr. Rosendo So, ang chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), aabot na sa 20 ektaryang sakahan ang nadiskubre nilang hinuhukay kahit wala itong kaukulang titulo, hindi nila pagmamay-ari at trespassing ang mga nagko-quarry.
Giit pa niya, hindi lamang simpleng paghuhukay ang nagaganap kundi ginagawang mining site dahil sa butas-butas ang lugar at apektado ang mga taniman.
Nagdudulot na rin umano ng pagbabago sa daloy ng ilog dahil malayo sa riverbed ang lugar na hinuhukay, na posibleng magdulot ng mas matinding pinsala sa kapaligiran.
Dagdag pa ni Engr. So, may inisyu na quarry permit ang DENR sa operators na dapat lamang itong gawin sa ilog ngunit ang aktibidad ay nagaganap sa mismong sakahan, na taliwas sa regulasyon.
Pinangalanan din nito ang umano’y nagsasagawa ng ilegal na quarrying na sina Charina Evangelista at Recy Paed.
Matatandaan na nagreklamo na mga ito noong Setyembre ngayong taon sa DENR Regional Office 1 ngunit patuloy pa rin ang ilegal quarry operation sa lugar.
Binalaan naman nito ang naturang opisina na kung hindi mapigilan ang illegal quarry operation ay kanyang idudulog ito sa Senado upang magkaroon ng malalimang imbestigasyon at mapanagot ang may sala.
Nag-aalala rin ang mga residente dahil bukod sa pagguho ng lupa at pagkasira ng taniman, maaari rin umanong magdulot ng panganib sa buhay at kabahayan ang patuloy na ilegal na pag-quarry.
AV SO QUARRY










