Dagupan City – Nagpaalala ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa mga kapwa employer sa Ilocos Region na sumunod sa mandato ng pagtaas ng sahod.

Matatandaan na noong nakalipas na araw ay naging epektibo na ang umento sa sahod sa mga nasa pribadong sektor kung saan dumagdag ng 37 hanggang 45 pesos ang buwanang sahod depende sa kinabibilangang establisyemento.

Binigyang-diin ng grupo na ang pagtupad sa nasabing direktiba ay mahalaga para sa kapakanan ng mga manggagawa at para sa pagpapanatili ng maayos na relasyon sa pagitan ng mga employer at empleyado upang hindi lumabag sa labor law standard.

--Ads--

Ayon kay G. Salvador “Ed” Poserio, Area President ng ECOP-North Luzon Area, nauunawaan nila na maaaring may mga kumpanyang nahihirapan sa pagpapatupad ng umento dahil sa iba’t ibang kadahilanan.

Kaya naman, iminungkahi niya ang paggamit ng Memorandum of Understanding (MOU) bilang isang alternatibong hakbang kung sakali mang hindi pa makasunod dahil sa kakulangan ng ipapasahod dahil tinatanggap naman umano ito ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Aniya na kung hindi pa kayang magbigay ng dagdag sa sahod sa ngayon, maaaring makipag-usap sa mga empleyado at bumuo ng isang MOU.

Maaaring ilatag diti ang sitwasyon ng kumpanya at pag-usapan kung kailan maaaring maipatupad ang umento.

Dagdag pa niya, ang MOU ay isang paraan upang magkaroon ng malinaw na kasunduan sa pagitan ng employer at empleyado, na nagpapakita ng transparency at paggalang sa isa’t isa.

Hinimok din niya ang mga employer na maging bukas sa kanilang mga empleyado tungkol sa kalagayan ng kumpanya upang maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan.

Samantala, Ang ECOP ay patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga employer sa Ilocos Region upang magbigay ng gabay at suporta sa pagpapatupad ng mga mandato sa paggawa.

Naniniwala ang organisasyon na sa pamamagitan ng pagtutulungan at pag-unawa, masisiguro ang patas at maayos na pagtrato sa mga manggagawa.