Dagupan City – Nag-ikot ang Bureau of Soils and Water Management ng Department of Agriculture–Region 1 kasama ang Municipal Agriculture Office ng Mangaldan upang magsagawa ng serye ng barangay-to-barangay orientation tungkol sa pagpapatupad ng Composting Facility Project sa bayan.
Pinangunahan ng composite team mula sa BSWM at MAO ang pagtuturo at pagtalakay sa proseso ng composting, at mga kawani ng Community Affairs Office.
Sentro ng aktibidad ang pagpapaliwanag kung paano napoproseso ang biodegradable waste upang maging compost na maaaring gamitin sa mga sakahan, paaralan, at community gardens.
Binigyang-diin ng grupo ang ugnayan ng mga barangay at paaralan sa pagpapatayo ng sariling pasilidad para sa composting, kasama ang pagbuo ng sistema na magpapababa sa volume ng basura at magpaparami ng organic fertilizer sa komunidad.
Inaasahang makatutulong ang mga kagamitang ito sa mga programang pang-agrikultura tulad ng Gulayan sa Barangay, na nangangailangan ng tuloy-tuloy na supply ng organic inputs.
Ipinahayag ng lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Mayor Bona Fe de Vera-Parayno na mahalaga ang pagbubukas ng mga ganitong programa upang mapahusay ang pamamahala ng basura at mapalaki ang produksyon ng organikong pataba sa Mangaldan.










