Dagupan City – Kumpirmadong nasawi ang isang 76-anyos na lolong nawawala matapos ang nangyayaring malawakang sunog na tumama sa Saganoseki district sa Oita City, Japan.
Ayon kay Hannah Galvez, Bombo International News Correspondent sa Japan, ito na ang pinakamalaking naitalang urban fire sa loob ng 50 taon sa bansa.
Humigit-kumulang mahigit 170 na mga gusali ang nawasak dahil sa patuloy na pagragasa ng apoy.
Umabot na sa dalawang araw ang pag-aalab ng sunog at nagpapatuloy pa rin ang pag-apula ng mga bumbero.
Sa kabila ng lawak ng pinsala, wala pang naitatalang fire-related health hazards, dahil puspusan umano ang isinasagawang mga hakbang ng mga awtoridad upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente.
Tiniyak din ni Galvez na nananatiling epektibo ang disaster operation relief law sa Japan, at may sapat na pondo ang pamahalaan upang agad na makapagresponde sa mga naapektuhan ng insidente.
Patuloy pa ring inaalam ng mga imbestigador ang posibleng pinagmulan ng sunog.










