DAGUPAN CITY- Epektibo na ngayong araw, ika-19 ng Nobyembre, 2025, ang bagong minimum wage sa buong Rehiyon I, ayon sa Wage Order No. RB 1-24 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).

Sa ilalim ng bagong kautusan, ang mga manggagawa sa pribadong sektor ay makakatanggap ng dagdag na ₱37 hanggang ₱45 sa kanilang arawang sahod. Ang eksaktong halaga ng umento ay nakabatay sa uri ng industriya at laki ng establisimyento kung saan sila nagtatrabaho.

Layunin ng pagtaas sa minimum wage na matugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at masiguro na ang mga manggagawa ay may sapat na kita para sa kanilang araw-araw na pangangailangan.

--Ads--

Kasabay ng pagpapatupad ng bagong minimum wage para sa mga pribadong sektor, itinakda rin ang bagong buwanang sahod para sa mga kasambahay sa rehiyon.

Sa ilalim ng Wage Order No. RB 1-DW-06, ang mga kasambahay ay tatanggap ng minimum na buwanang sahod na ₱6,700.

Kaugnay nito, nagbigay ng pahayag ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) North Luzon Area hinggil sa naging pamantayan sa pagtaas ng umento.

Ayon kay Salvador “Ed” Poserio, Area President ng ECOP-North Luzon Area, nagsagawa sila ng konsultasyon noong Setyembre upang alamin ang pulso ng mga stakeholders at iba pang kasapi ng board.

Masusi nilanh pinag-aralan at ikinonsidera ang iba’t ibang aspeto ng ekonomiya bago aprubahan ang nasabing wage order.

Dagdag pa niya, may apat na pamantayan silang tinignan na siyang dahilan upang ito ay maipatupad: ang pangangailangan ng manggagawa, kapasidad ng mga negosyante na magbayad, pagiging competitive ng pasahod sa ibang rehiyon, at ang pangangailangan para sa Regional Development.

Ipinaliwanag ni Poserio na dapat ipantay ang pasahod sa nararanasang inflation at kahirapan ng mga tao, gayundin ang kakayahan ng bawat employer upang hindi magsara ang kanilang negosyo.

Binigyang-diin din niya na ang bagong minimum wage hike ay mandatory lamang sa mga nagpapasahod ng minimum.

Para naman sa mga sumasahod ng above minimum wage, nakadepende sa desisyon ng kanilang mga employer ang pagtaas nito, batay sa kanilang kakayahang magdagdag.

Hinihikayat ni Poserio ang mga employer na sumunod sa itinakdang wage order upang mapanatili ang maayos na relasyon sa paggawa at matiyak ang patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng Ilocos Region.