Nagbahagi ng mga hakbang ang Securities and Exchange Commission para turuan ang publiko kung paano ligtas na makilahok sa pamumuhunan at maiwasan ang investment scams bilang bahagi ng selebrasyon ng Investment Protection Month.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Helen Veryan Valdez, Information Officer II ng Securities and Exchange Commission (SEC), may mga inihanda ang SEC na aktibidad na sumasaklaw sa iba’t ibang paksa, kabilang ang tamang paraan ng pag-utang at paano makilala ang mga pekeng investment schemes.
Isa sa pangunahing mandato ng SEC ay protektahan ang mga investors at i-oversee ang capital market.
Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-alam kung lehitimo ang isang kumpanya at ang agent na nag-aalok ng investment.
Aniya hindi sapat na may primary registration lamang ang kumpanya; dapat ay mayroon ding secondary license.
Ipinapayo naman nito na kung may nakitang isa o dalawang red flag, huwag nang makipagtransaksyon.
Kung nahihirapan sa pagsusuri, maaaring lumapit sa SEC para sa gabay.
Dagdag niya, sa ngayon wala namang biglaang pagtaas sa bilang ng biktima ng scam sa mga nakaraang buwan, ngunit dumarami ang mga reklamo lalo na sa mga lending apps, lalo na sa papalapit na Kapaskuhan.
Binibigyang-diin ng SEC na sa pamamagitan ng tamang impormasyon, maipapakita rin ang kagandahan ng responsableng pag-iinvest at ang potensyal nitong magbigay ng karagdagang kita.









