DAGUPAN CITY-Matapos ang nangyaring pagsabog sa isang iligal na pagawaan ng paputok sa kalapit na Barangay Tebeng noong nakaraang linggo, na nagdulot ng pangamba sa mga residente, agad na kumilos ang pamunuan ng Barangay Caranglaan upang maiwasan ang anumang kahalintulad na insidente.
Pinangunahan ni Kapitan Gregorio Claveria Jr. ang pakikipag-usap sa tatlong indibidwal na nagmamay-ari ng maliliit na pagawaan ng paputok sa kanilang barangay.
Ang mga ito, na pawang magkakamag-anak, ay kusang-loob na sumang-ayon na itigil na ang kanilang operasyon.
Patuloy rin ang pagpapaalala ng barangay sa mga residente tungkol sa panganib ng paggawa at paggamit ng paputok, lalo na ngayong papalapit ang Kapaskuhan at Bagong Taon.
Nagpasalamat si Kapitan Claveria sa mabilis na pagtugon ng alkalde sa mga ganitong sitwasyon noong naganap ang pagsabog at nanawagan sa iba pang kapitan na maging mas mapagmatyag sa kanilang mga nasasakupan upang maiwasan ang anumang di-inaasahang pangyayari.









