Patuloy na pinatutunayan ng mga kababaihan na kaya nilang makipagsabayan sa anumang larangan, kasama na ang pagsali sa Reserve Officer Training Corps (ROTC) na nangangahulugang hindi lamang panlalaki ang larangang ito.
Sa mga nagdaang taon, kapansin-pansin ang pagtaas ng bilang ng mga babaeng estudyante na sumasali sa ROTC, nagpapakita ng kanilang pagnanais na maglingkod sa bayan.
Ilan sa mga pangunahing dahilan kung bakit nahihikayat ang mga kababaihan sa ROTC ay ang paghahanda sa posibleng paglilingkod sa militar, paghubog ng disiplina, at pagpapalakas ng kanilang pagmamahal sa bansa.
Marami na ring kababaihan ang nagtatagumpay sa iba’t ibang posisyon at espesyal na training programs sa loob ng ROTC.
Ayon kay Cad. 1Lt Kishanne D. Garcia ng PSU Lingayen-Binmaley ROTC Unit, na kung kaya ng kalalakihan, kaya rin ng mga kababaihan, lalo na sa mga pahirapan at puspusang training.
Ibinahagi rin ni Garcia na mahirap man ang kanilang training, kinakaya niya ito dahil pangarap niyang makapasok sa Army.
Inspirasyon niya ang kanyang tito, at kahit may kaunting takot dahil sa mga engkwentro, tinitiyak niyang kakayanin niya ito sa tulong at suporta ng kanyang pamilya.
Dagdag pa niya, malaki ang naitutulong ng pagsali niya sa ROTC dahil nakalinya ito sa kanyang kursong Criminology. Aniya, kung wala ang ROTC, maaaring maging “boring” ang kanyang kurso.
Saad pa nito na hindi lamang kalakasan ng katawan ang mahuhubog dito, kundi pati na rin ang lakas ng mental na siyang maghuhubog ng pamumuno at disiplina
Sa patuloy na pagsuporta sa ROTC program, inaasahan na mas maraming kababaihan ang mahihikayat na sumali at maging bahagi ng paghubog ng mga disiplinado at responsableng mamamayan ng bansa.










