Nagbigay ng matinding reaksiyon si Atty. Joseph Emmanuel Cera, political analyst, kaugnay ng mga naging pahayag ni Sen. Imee Marcos laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Day 2 ng malawakang rally ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ayon kay Atty. Cera, hindi niya inaasahan ang tono at bigat ng mga ipinahayag ni Sen. Imee, ngunit kung susuriin ay “hindi na rin dapat ikagulat” ang ilan sa mga sinabi nito.
Aniya, lumalabas sa mga pahayag ng senadora na wala na siyang impluwensiya sa Pangulo at tila hayagang inilalabas nito ang kanyang saloobin tungkol sa kalagayan sa loob ng administrasyon.
Dahil dito maaaring magkaroon ng internal na pagyanig sa administrasyon dahil sa mga pahayag ni Sen. Imee, lalo na’t may mga “forces na nais umanong pabagsakin ang administrasyong Marcos.”
Nilinaw rin niya na walang direktang binanggit ang senadora tungkol sa korapsyon, ngunit mas mabigat umano ang ipinahiwatig nitong alegasyon na Pangulo, First Lady at ilang kaibigan nito ay nauugnay umano sa paggamit ng ipinagbabawal na droga, isang akusasyong aniya’y “mas insidious” at may potensyal na makasira ng integridad ng pamahalaan.
Binigyang-diin niyang may ilang grupo ang posibleng sumasakay sa isyu at ginagamit ang sitwasyon upang magmukhang may destabilization at upang maging instrumento ang rally para pabagsakin si Pangulong Marcos.
Gayunpaman, napansin din ni Cera na ang communications team ng Pangulo ay gumagamit ng isang “democratic route,” kung saan maingat ang kanilang lengguwahe at iniiwasan ang direktang sagutan sa mga alegasyon.










