Tiniyak ng Dagupan Electric Corporation (DECORP) na halos 100 porsiyento na ang naibabalik na suplay ng kuryente sa kanilang nasasakupan matapos ang malawakang pinsalang dulot ni Bagyong Uwan.

Ayon kay Jamaica Ferrer Bautista, Customer Relations Officer ng kompanya, nasa 126,000 na customers ang naapektuhan ng malawakang power interruption matapos manalasa ang bagyo, na nagdulot ng pagbagsak ng mga puno at sanga, pati na rin ng pinsala sa mga linya ng kuryente.

Kung saan kahapon, iniulat ng kompanya, ay 500+ na lamang ang natitira at kailangang i-energize na katumbas na lamang ng mahigit 30 porsiyento ng restoration work.

--Ads--

Ani Bautista na ang natitirang lugar na hindi pa nairere-energize ay mga pasukan o loob ng mga kabahayan na hirap pasukin ng restoration teams dahil sa mga nagbagsakang puno at iba pang debris.

Sa kabila nito, mano-mano umanong isinasagawa ng mga lineman ang clearing at pag-aayos upang matiyak ang mabilis ngunit ligtas na pagrerestore.

Tiniyak naman ng DECORP na puspusan ang kanilang operasyon at target nilang matapos ang buong restoration ngayong linggo upang tuluyang makabalik sa normal ang suplay ng kuryente sa lahat ng naapektuhang barangay.

Dagdag pa ni Bautista, ang pinakamalaking hamon sa kanilang operasyon ay ang lawak ng vegetation clearing, mga punong nabuwal at nagputulang sanga na humambalang sa mga linya. Ito ang nagdulot ng ilang araw na pagkaantala sa restoration efforts.

Sa ngayon, 552 customers na lamang ang natitirang inaayos at inaasahang masosolusyunan sa mga susunod na araw.