Dagupan City – Sugatan ang ilang indibidwal sa naganap na banggaan sa parte ng San Manuel-Binalonan Road sa Brgy. Guiset Sur sa bayan ng San Manuel.
Sangkot dito ang Motorized Tricycle na minamaneho ng isang 55-anyos na may asawa at nagtitinda, kasama ang kanyang mga pasahero na isang 18-anyos na dalaga at isang menor de edad; at isang motorsiklo na minamaneho ng isang 18-anyos na estudyante, kasama ang kanyang angkas na isang 21-anyos na binata at walang trabaho.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ayon sa isang saksi, parehong patungo sa kanluran ang mga sasakyan, papuntang Binalonan.
Nangyari ang insidente nang liliko sana pakaliwa ang tricycle ngunit aksidente itong nabangga sa likuran ng sumusunod na sasakyan dahilan upang matumba ang lahat ng sangkot sa kalsada.
Dahil dito, dinala ang mga driver, pasahero, at angkas sa RHU San Manuel ng mga rumespondeng tauhan para sa medikal na atensyon.
Nagtamo ng mga minor na sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga driver at pasahero; gayunpaman, nagtamo ng malubhang pinsala ang angkas ng motorsiklo .
Dagdag pa rito, hindi na nasa orihinal na posisyon ang mga sasakyan nang dumating ang mga rumespondeng tauhan ng PNP kung saan lahat ng sasakyan ay dinala sa San Manuel PS para sa kaukulang disposisyon.










